Apatnapung rookies at 15 na baguhang free agents.
Ganyang karami ang “fresh blood” na papalaot sa Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Linoleum Cup na magsisimula ngayon.
Biruin mo iyon! Sa kabuuan ay may 105 players ang pitong koponang kalahok sa torneo. Bale 52.5 percent ng mga manlalaro sa PBL ay mga baguhan.
“Wala namang problema dun, e. Every year, after ng Draft ng PBA, marami talaga ang nawawala sa amin,” ani PBL Commissioner Chino Trinidad. “Pero every year naman, nagsusurvive pa rin ang PBL.”
Ang PBL ay nasa ika-26 season na nito at buhat nang ito’y magsimula’y kalakalan na talaga na nawawalan ito ng manlalarong umaakyat sa pro league. Ngayon nga’y naglagay pa ang PBL ng age limit para sa mga players nito.
Hanggang 25 years old na lang ang mga manlalarong puwedeng magpatuloy sa PBL. Kapag lampas na sa 25 taong gulang ay hindi na ito makapaglalaro pa sa PBL.
So, bukod sa mga manlalarong umaakyat sa PBA, mayroon ding nireretiro ang PBL “according to age.”
Hindi naman talaga problema ng PBL ang pagkuha ng mga batang players dahil sa ang daming mga collegiate leagues hindi lang sa Metro Manila kungdi sa iba’t ibang regions ng bansa. Ang daming mga players na kailangang mahasa pa pagkatapos ng collegiate years nila. Hindi naman kasi ubrang basta-basta aakyat sila sa pro. At hindi naman lahat ng mga collegiate players ay makakapanhik sa PBA.
Ito marahil ang dahilan kung bakit patuloy na tinatangkilik ng mga fans ang PBL. Kasi, every year, bagong mukha ang kanilang napapanood. Nakikita nila ang pag-usbong ng panibagong superstars sa Philippine basketball. Nagiging bahagi sila ng growth and maturity ng mga ito.
Ang maganda sa mga bagong players ay ang pangyayaring pukpok talaga sa laro ang mga ito. Nais nilang makapag-pakitang gilas. Kasi nga, sa PBL ay sinasala sila ng mga scouts ng PBA Teams. Ilan lang sa kanila ang magkakaroon ng katuparan sa pangarap.
Ayon nga sa isang PBL team owner, iba ang depensa sa PBL. Ito nga raw ang unang kailangang matutunan ng isang Fil-Am players. Naiilang ang mga Fil-Am sa simula pero kapag nakapag-adjust na, saka lang lumalabas ang tunay na galing.
“Halos sampung taon na akong commissioner ng PBL at nagpapasalamat ako sa suporta ng mga team owners. Kahit na mayroon tayong crisis, nandito pa rin sila at sumusuporta sa Philippine basketball,” ani Trinidad. “Isa lang kasi ang hangarin naming lahat. Ang makatulong sa mga batang players at makatulong din sa bansa sa paghubog ng mga future national players.”