Ayaw kong isipin na nagdilang anghel ako pero parang ganoon na nga ang nangyari nang magbida si Gabby Espinas sa 114-113 panalong itinala ng Red Bull kontra San Miguel Beermen sa kanilang out-of-town game sa Arturo Lugod Gym sa Gingoog City, Misamis Oriental noong Sabado.
Noong nakaraang pitak ko kasi’y sinabi ko na si Espinas at ang kanyang performance ay isa sa mga sidelights na puwedeng pagtuunan ng pansin ng mga manonood ng laro sa pagitan ng Beermen at Barakos.
Kasi nga, tila ngayon pa lang lumalabas ang tunay na laro ni Espinas na isang dating Rookie of the Year at Most Valuable Player awardee ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) habang naglalaro pa siya sa Philippine Christian University Dolphins.
Siya’y kinuha sa first round ng 2006-07 Draft ng Beermen subalit hindi nabigyan ng malaking playing time. Understandable iyon dahil maraming big men ang Beermen sa katauhan nina Danilo Ildefonso, Dorian Peña at Enrico Villanueva. So kung hindi din lang matindi ang ipapakita ni Espinas noon, malamang sa manood na lamang siya.
Naipamigay nga siya sa Air 21 Express noong nakaraang taon subalit halos ganoon pa rin ang kanyang playing time.
Kaya nga parang nawalan na ng market value si Espinas at ni-release na lang siya ng Express. Parang ang mga umasang si Espinas ay magiging isang superstar sa PBA base sa kanyang reputasyon sa NCAA ay naggive up na sa kanya. Parang wala na siyang patutunguhan.
Subalit sinagip siya ng Red Bull buhat sa limbo. Bale “third chance” na ito para kay Espinas. Kumbaga sa baseball, dalawang strikes na siya, Isa na lang at “out” na siya.
Well, ayaw naman niyang mangyari iyon sa kanya. Bata pa siya at malayo pa ang kanyang mararating kung gugustuhin niyang marating ito.
At dahil sa mahaba ang playing time at malaki ang pagtitiwalang ibinibigay sa kanya ni coach Joseller “Yeng” Guiao, aba’y lumalabas ang husay ni Espinas. Kumbaga’y sinusuklian niya nang buong-buo ang ibinibigay sa kanya.
Laban sa Beermen, si Espinas ay gumawa ng 16 puntos Bukod dito’y nakakumpleto pa siya ng isang crucial steal sa endgame upang maselyuhan ang panalo ng Barakos na ngayon ay masasabing “back in the thick of the fight” dahil sa halos tuluyan na silang nakabawi sa masamang simula nila.
Ang maganda niyan ay unti-unting nagiging “superstar” material itong si Espinas sa poder ng Red Bull. Nagiging go-to guy na siya ng Barakos sa endgame.
Nakasanayan naman niya ang papel na ito noong nasa kolehiyo pa siya, e. Kung nagawa niya noon, aba’y puwedeng gawin niya ito ngayon sa PBA!