Umalis ngayon patungong Amerika si dating double world champion Ronnie Alcano para sumabak sa 33rd Annual U.S. Open 9-Ball Championship na magsisimula sa Linggo sa Chesapeake Conference Center sa Chesapeake, Virginia.
Babanderahan ni Alcano, ang maliit na team ng mga Pinoy sa mahigpitang pool tournament na ito sa mundo.
Makakasama niya sina dating world no.1 Francisco “Django” Bustamante, Ramil Gallego, Lee Van Corteza, Warren Kiamco, Rodolfo Luat, Jose “Amang” Parica at Joven Alba sa may mahigit 300 players mula sa buong mundo na kasali sa torneong may garantiyang papremyo na $250,000, na ang magkakampeon ay magbubulsa ng halagang $40,000.
Ang ibang Pinoy na hindi nakasama sa ibat ibang dahilan ay sina Efren “Bata”Reyes, na kasalukuyang nagpapa-medical checkup habang ang kasalukuyang world no.1 na si Dennis Orcollo at dating world champion Alex Pagulayan ay nakatakda namang sumabak sa Grand Finals ng Guinness 9-Ball Tour sa Jakarta, Indonesia, sa October 24.
Samantala, nagpasa ng resolution ang Quezon City Council para sa pagpapapuri kay Orcollo sa kanyang sunod-sunod na tagumpay sa international at local arena.
Pinangunahan ni Majority Floor Leader Ariel Inton, mga councilors, at Mayor Sonny Belmonte at Vice-Mayor Herbert Bautista, pinarangalan ang 29-year-old na si Orcollo dahil sa kanyang tagumpay sa 2008 Quezon City 9-Ball Champion, All-Japan Open, Qatar International 9-Ball Open, Guinness 9-Ball Tour leg sa Guangzhou, China, at ang third place nila ni Bustamante sa PartyPoker.net World Cup of Pool.