Ngayong tapos na ang college basketball season, napakaraming paaralan ang naghahanap ng foreign player upang palakasin ang kanilang koponan sa UAAP, NCAA at iba pang mga liga. Kapansin-pansin talaga ang natamong tagumpay ng San Beda College sa NCAA.
Ang katotohanan ay nasa sangandaan na ang bansa, dahil ang mga kapitbahay natin sa Southeast Asian ay nagkukuhanan na ng mga foreign player para sa kanilang mga national team. Tayo naman ay nag-iisip na kumuha ng foreigner para makatapak muli sa Olympics.
Sa Vietnam, halimbawa, payag na silang kumuha ng foreign players para sa National Basketball Championship. Naulat na si Allan Evangelista ng UST ay isa sa mga ito. Pero di makakapagpadala ng team ang Vietnam sa susunod na Southeast Asian Games dahil sa kakulangan ng pondo.
Sa Indonesia naman, Pinoy ang kanilang mga import. Sa katunayan, bawat koponan sa mga nakaraang torneo ng Indonesian Basketball League (IBL) ay kumuha ng isang Pinoy na import. Kabilang dito sila Estong Ballesteros ng Ginebra, at Noy Javier ng UPHSD. Ang Thailand naman ay naghahalungkat ng mga kababayan nila na naglaro sa ibang bansa. Noong Hunyo, ang seven-footer na si Brian Sigafoos, manlalaro ng Harvard hanggang 2003, ay nagpakita ng interes na maglaro sa Pambansang koponan. Isinilang siya doon dahil nagtrabaho ang kanyang mga magulang sa Bangkok ng limang taon.
Ang Malaysia naman, na dati’y ayaw gumamit ng mga naturalized player, at sumunod sa mga yapak ng Singapore, ay ngayo’y humahatak na ng mga Chinese na sentro para lumakas ang mga team nila. Nahihirapan lamang silang kumbinsihin ang mga ibang isponsor na masyadong makabayan.
Dito naman sa Pilipinas, may isang unibersidad na naiulat na naghahanap ng dalawang Intsik na seven-footer para sa college team nito. Magsimula kaya ito ng bagong uso?
Tingnan natin.