RP belles sadsad sa Korea

Malulutong na kills sa buong tatlong sets ang pinakawalan ng Korea para sa kumbinsidong 25-15, 25-13, 25-23 panalo laban sa Philippines kahapon sa classification phase ng 7th Asian Youth Girls Volleyball Championship sa PhilSports Arena.

Nagpaulan ng 11 puntos si spiker Mi-Yeon Kim kabilang na ang umaatikabong 5 kills habang nag-ambag ng 8 puntos si Yu Hwa Kwak nang makalapit ang Koreans sa pangunahing spot ng Group E sa classification round para sa quarterfinal pairings.

Isang mahusay at perpektong laro ang ipinakita ng Koreans nang limitahan nila ang Pinay team captain na si Alyssa Valdez sa team-high seven points sa laban habang nag-ambag naman sina Patty Orendain at Aleona Santiago ng tig-apat na puntos para sa Pinas.

Kailangang humatak ng upset ang Philippines sa kanilang laban ngayon kontra sa Thailand sa alas-9 ng umaga upang makaiwas sa mas mahigpit na laban sa Pool F na kinabibilangan ng defending champion Japan, China, Chinese-Taipei at Indonesia.

Sa iba pang resulta, tinalo ng Thailand ang Australia, 25-15, 20-25, 25-20, 25-20, sa Pool E action.

Humakbang naman ang Japan patungo sa No. 1 spot sa Pool F makaraang igupo ang Chinese-Taipei, 25-12, 27-25, 25-16. (MBalbuena)

Show comments