Dahan-dahan pero sigurado, sinimulan na ng mga produkto ng national youth development program ang pag-overtake sa mga beterano.
At naging malinaw ito noong nakaraang linggo nang dominahin ng mga batang shooters sa pamumuno ng 14 anyos na si Shanin Gonzales at Diana Eufemio ang 10 meter Olympic air pistol at 10m air rifle events sa panimula ng 2008 National Open championships sa PSC/Marines shooting complex sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Nakopo ni Gonzales ang gold sa women’s air pistol sa iskor na 360 makaraang daigin si Therese Cantada (355) at Mara Garcia (352). Binanderahan din ni Gonzales ang pagbaril sa gintong medalya sa team event kasama ang 16 anyos na si Mica Padilla at Alynna Chuatoco sa kanilang ipinosteng 1,046 upang manguna sa Ateneo (1,013) at Team Cantada (928).
Naisukbit naman ni Eufemio ang gold sa women’s air rifle competition sa kanyang pinaputok na 377 puntos.
May mga beterano pa ring nanguna sa kani-kanilang paboritong events. Ilan dito ay sina multi-titled internationalist Nathaniel ‘Tac’ Padilla, Olympian Emerito Concepcion at Carolino Gonzales.
Patuloy ang paghahari ni Padilla, 15-time campaigner sa Southeast Asian Games at head ng youth program, sa rapid fire maka-raang magposte ng 563 upang daigin sina Robert Donalvo (560) at kapatid na si Donald Padilla (531).
Naghari din si Padilla sa modified Camp Perry event sa kanyang 283 puntos, na may 5 at 11 puntos na layo kina Donalvo at Ronald Hejastro, ayon sa pagkakasunod.
Nakopo naman ni Concepcion ang gold sa men’s air rifle at si Gonzales sa air pistol at 10m pistol events.
Ang iba pang gold medalists ay sina Dennis Hernandez (1,102 sa 50m 3 position rifle) Rocky Pardillo (580 sa 50m rifle prone) at Susan Aguado (560 sa sports pistol).