Hindi pinaporma ni World no.1 Dennis Orcollo ang karibal na si Yang Chingshun tungo sa kanyang 9-1 panalo sa semifinals at isinunod nito ang isa pang Taiwanese na si Wang Hungshiang, 11-9, sa finals upang pagharian ang penultimate leg ng Guinness 9-Ball Tour 2008 kahapon sa Garden Hotel sa Guangzhou, China.
Ang panalo ay nagkaloob kay Orcollo, stalwart ng star-studded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano, ng top purse na $15,000 (P705,000) at slot sa Grand Finals sa October 24-26 sa Jakarta, kung saan ang champion ay tatanggap ng $36,000.
“I’m very happy for this triumph, especially that I did it by beating players like Yang and Wang, who are among the best cue artists in the world,” sabi ng 29-gulang na si Orcollo, na suportado rin ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP), Jebet Poker.com at Senate President Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.
Nagkasya si Wang sa runner-up prize na $6,000. Nakarating siya sa finals matapos maungusan si former world champion at previous leg winner na si Alex Pagulayan, 9-8, sa kanilang Final Four match.
Bagamat nabigo si Pagulayan na makopo ang kanyang ikalawang sunod na leg title, nakasiguro din ito ng slot sa Jakarta Grand Finals.
“I did my best, but sometimes the breaks don’t go your way,” wika ng dismayadong si Pagulayan na nagpenalty sa sixth rack dahil lumagpas ito sa 40-second shot clock.