Inamin ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na nagkaroon siya ng sinat na naging dahilan ng hindi niya pagsipot sa una nilang training session ni trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
“Buti na lang at malayo pa ang laban, kung hindi, baka medyo ako po ay mag-aalala pa. Sa aking experience, mas mabuti pang magkasakit na ngayon kaysa sa tamaan ako ng karamdaman sa paglapit na ng laban,” ani Pacquiao. “Blessing na rin ito dahil mahaba pa ang aking pagpapahinga.”
Ayon kay Roach, sasailalim muna ang 29-anyos na si Pacquiao sa 10 araw na conditioning work-outs bago sumabak sa mabigat na sparring sessions.
Nakatakdang sagupain ni Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight champion, ang 35-anyos na si Oscar Dela Hoya sa isang non-title welterweight fight sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Para sa kanyang unang pag-akyat sa 147-pound division, dalawang middleweights at isang welter-weight fighters ang kinuha ng 48-anyos na si Roach bilang mga sparring partners ni Pacquiao.
Ang mga ito ay sina 154-pounders Yuri Foreman at Arron Robinson at 147-pounder Rashad Holloway.
Sina Foreman, may 25-0 win-loss ring record kasama ang 8 KOs, at Holloway (9-1, 5 KOs) ay may taas na 5-foot-11, habang 5’10 naman si Robinson (6-2, 4 KOs) na halos kasing taas ni Dela Hoya.
“They have all powerful left hooks,” paglalara-wan ni Roach kina Foreman, Robinson at Holloway.
“My best weapon is my left hook and I’m raring to use it against Manny when I begin to spar with him,” sabi naman ng tubong Raleigh, North Carolina na si Holloway sa kanilang magiging sparring session ni Pacquiao. (Russell Cadayona)