Hanggang bukas na lamang ang ibinigay na deadline ng Philippine Basketball Association para sa mga Fil-foreign players para isumite ang mga dokumentong hinihingi ng liga para makasali sa 2008 PBA Rookie Draft.
Hinihintay pa ng PBA ang mga ‘original’ documents ng mga aspiring players na sina Gabe Norwood, Rob Reyes, Jared Dillinger, Chris Viardo, Mark Anthony Cuevas, Charles Waters at Andrew Catigan.
Tanging sina Solomon Mercado at Kevin Dalafu pa lamang ang nabigyan ng go-signal na makasali sa drafting na nakatakda sa Agosto 31 sa Market Market sa Taguig City.
“Because of the experience of the PBA regarding Fil-foreign players, we have required several documents na importante sa asosasyon,” pahayag ni PBA Commissioner Sonny Barrios. “It’s a documentary requirements imposed by the PBA.”
Bukod sa mga dokumentong magpapatunay ng dugong Pinoy ng mga naturang applicants, hinihingi din ng PBA ang Department of Justice (DOJ) affirmation at rekognisyon ng Bureau of Immigration and Deportation (BID).
“So importante ‘yung DOJ affirmation, importante ‘yung BID recognition among others. These are the documents required by the PBA that all Fil-foreign players must comply,” sabi pa ni Barrios.
May kabuuang 46 players ang nag-apply para sa drafting sa taong ito.
Nangunguna sa listahan ng mga local players ay sina TY Tang at Cholo Villanueva ng La Salle, Mark Borboran at Kelvin Gregorio ng UE, Kelvin Dela Peña ng Mapua, Pong Escobal ng San Beda, Jeff Chan ng FEU, Jonathan Fernandez ng NU, Jason Castro ng PCU, Ford Arao ng Ateneo at sina Ryan Regalado at Diomar Facun ng UM.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban sa Araneta Coliseum ang Barangay Ginebra at ang Air21 para sa deciding Game-7 ng kanilang championship series para sa titulo ng PBA Fiesta Conference. (Mae Balbuena)