Bago mangarap na makakuhang muli ng isang title shot, isang eliminator pa ang dapat mapanalunan ni Filipino super flyweight contender Z “The Dream” Gorres.
Isang mandatory fight ang maaaring makuha ng 26-anyos na si Gorres sakaling manalo siya sa itatakdang elimi-nator patungo sa paghahamon sa mananaig sa pagitan nina International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Dimitri Kirilov at Armenian challenger Vic Darchinyan.
Nakatakdang idepensa ni Kirilov, nasa ilalim ni American trainer Freddie Roach, ang kanyang suot na IBF super flyweight belt kontra kay Darchinyan sa Linggo (US time) sa Emerald Queen Casino sa Tacoma, Washington.
Nabigo si Gorres, may 28-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, na maagaw ang hawak na World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown ni Mexican Fernando Montiel via split decision noong Pebrero 24 ng 2007 sa Cebu City.
Matapos ang naturang kabiguan, umiskor naman si Gorres ng isang eight-round TKO kay dating WBC king Eric Ortiz noong Agosto 11 ng 2007, isang draw kay Darchinyan noong Pebrero 2 nitong 2008 at isang unanimous decision kay Kenyan Nick Otieno noong Mayo 31.
Kagaya ni Gorres, hangad rin ng 32-anyos na si Darchinyan na makabawi mula sa isang fifth-round TKO loss kay Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. noong Hulyo 7 ng 2007 na nagtanggal sa kanyang suot na IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles. (Russell Cadayona)