Ganadong-ganado na si Airman First Class Tshomlee Go para lumaban sa Beijing Olympics. Sa katunayan, hindi siya makahintay. Gusto niya, laban na.
“Handa na kaming lumaban. Gusto nga namin, ngayon na, e,” sabi ni Go sa inyong lingkod sa Pung Saeng High School, kung saan naghahanda sila ni Toni Rivero para sa Olympic taekwondo competition. “Maganda talaga ang laban namin ngayon.”
Bilang almusal, tinatakbo nila ng akyat-baba ang 200-hakbang na hagdanan ng 20 ulit. Sa merianda, sparring naman ng dalawa’t kalahating oras. Pagkatapos ng hapunan, estilo naman ang tinatrabaho. Halos walong oras sa isang araw, anim na araw sa isang linggo.
“Araw-araw, iba-iba ang ka-sparring namin, di gaya ng sa Pilipinas, kabisado na namin ang laro ng bawat isa,” pagpapatuloy niya. “Dito, lumalabas talaga ang laro namin.”
Halos lahat ng iba pa sa 16 na qualifier sa below 58-kilogram weight class ay nakalaban na ni Tshom. Walang pwedeng maliitin, gaya ng natutunan ng 27-taong gulang na Pinoy sa Athens noong 2004, nang talunin siya ni Bahri Tanrikulu ng Turkey.
“Wala kang pipiliin,” sabi ng payat na si Go. “Lahat sila kampeon, lahat sila kilala.”
Bagamat mainit sa gym ng Pung Saeng, naka-jacket si Go sa simula ng warm-up. Nagpapalit lang siya ng t-shirt pag sparring na. Dahil sa lakas ng pagpawis niya, nang lapitan siya ng mga ahente ng Korean Anti-Doping Agency (KADA) para sa isang urine test, inabot siya ng halos dalawang oras para makabigay ng sampol.
“Ang pinakamahirap sa lahat? Yung mahiwalay sa pamilya,” pag-amin ni Go. “Pero tinitiis namin.”
Nang tanungin ko kung ano ang lamang ng mga Pinoy sa Beijing, mabilis ang kanyang sagot.
“Yung tapang. Wala kaming sasantuhin, kahit sino kang champion. Lalaban at lalaban kami.
Itaga mo yan sa ginto.