Malakas na contender para sa Most Valuable Player Award ang Fil-Am na si Kelly Williams ng Sta. Lucia Realty para sa season na ito ng Philippine Basketball Association.
Si Williams, ang Best Player of the Conference sa Philippine Cup at ang No. 3 contender para sa BPC race sa kasalukuyang Fiesta Conference, ay may average statistical point na 35.5 points.
Ang pinakamahigpit na kalaban ni Williams, ang Rookie of the Year noong nakaraang season, ay si Arwin Santos ng Air21 na may 33.9 average SPs points kasunod si Willie Miller ng Alaska na may 33.3 SPs average.
Si Williams ay nagtala ng average SPs na 37.5 sa nakaraang Philippine Cup na may katumbas na 60% at 32.38 naman sa kasalukuyang Fiesta Conference kung saan sibak na ang Realtors.
Si Santos na mahigpit na nakalaban ni Williams para sa BPC award sa unang kumperensiya kung saan mayroon itong 37.1 SPs average, ay may 29.0 SPs average lamang sa Fiesta Cup bagamat nasa kontensiyon pa rin ang Express.
Kasalukuyang nakiki-paglaban ang Air21 kontra sa Magnolia Beverage Masters sa Game-6 ng kanilang best-of-seven semis series habang sinusulat ang balitang ito.
Nakalalamang na ang Express sa serye sa 3-2 at ang kanilang panalo ay magtutulak sa kanila sa kanilang kauna-unahang finals stint na matagal na nilang hinihintay.
Tangka naman ni Miller ang kanyang ikalawang sunod na MVP title at ikatlo sa kabuuan. Si Miller ay may 35.4 SPs average sa unang komperensiya at 30.3 kasalukuyang kumperensiya na siyang No. 4 sa BPC race.
Kabilang sa top five contenders ng MVP trophy ay sina Jay-Jay Helterbrand ng Ginebra (32.1) at Kerby Raymundo ng Purefoods (31.9).
Si Helterbrand ang mahigpit na kalaban ng kanyang katag-team na si Mark Caguioa para sa BPC trophy ng Fiesta Cup. (Mae Balbuena)