Makakasama ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang mga athletes at officials ng Team Philippines na sasabak sa Beijing Olympic Games na magbibigay ng courtesy call sa kanya ngayong ala-una ng hapon sa Malacañang.
Sasamahan ng mga top sports officials sa pangunguna nina Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco, Jr., Philippine Sports Commission chairman William Ramirez at Chef de Mission Bacolod Cong. Monico Puentevella ang mga atleta na magsasagawa ng tradisyunal na pagbisita sa Pangulo bago umalis patungo sa Beijing sa Agosto 5.
“The president will definitely say words of encouragement when she meets the Filipino athletes and officials. Of course, she’ll wish all of us good luck,” ani POC press officer Joey Romasanta kahapon.
Dadalo rin si GMA sa magarbong opening ceremonies ng 29th Olympiad sa Aug. 8, kung saan makakasama niya ang iba pang mga pangulo ng bansa.
Sina boxer Harry Tañamor at ang mga taekwondo jins na sina Mary Antoinette Rivero at Tshomlee Go ang tatlong inaasahang maghahatid ng pinakaaasamasam na Olympic gold ng bansa.
Makakasama nila ang mga swimmers na sina Daniel Coakley, Ryan Arabejo, Miguel Molina, James Walsh at Joan Christel Simms, weightlifter Hidilyn Diaz, sina Maristella Torres at Henry Dagmil ng athletics, at divers Sheila Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga.
Kasama ng Philippine delegation na paparada sa opening ceremonies si Manny Pacquiao na itinalaga ng Pangulo bilang Olympic ambassador at siyang flag bearer. (Mae Balbuena)