Inaasahang magiging makulay ang tumbukan sa pagbu-bukas ng 1st Senate President Manny Villar Cup: Media Edition sa Agosto 2, na gaganapin sa AMF-PUYAT Sports Center sa Star Mall Mandaluyong City .
Dalawamput-limang (25) koponan mula sa ibat-ibang major beats at media organization ang magsasalpukan sa weekend games ng ‘Villards Cup’ na inorganisa ng Media Sports League (MSL), alinsunod sa 9-ball team play format.
Ayon kay Villar, pangulo ng Nacionalista Party (NP), layunin ng Villard Cup: Media Edition ang mapalakas ang larong billiard sa Pilipinas at maipakita sa publiko ang kahalagahan ng sports, hindi lamang sa ordinaryong mamamayan kundi sa hanay ng mga media practioner.
“Dito mo makikita na hindi lang naman sa pagsusulat at paghahanap ng balita o kaya’y sa isang media coverage mahusay ang bawat team. Kayat tayo’y nagpapasalamat sa ganitong pagkakataon dahil dito lang natin mapapasalamatan ang mga kaibigan natin sa media industry na walang sawang tumutulong sa atin,” ani Villar.
Maliban kay Villar, ilang de-kalibreng cue artist ng bansa, sa pangunguna nina pool legend Efren ‘Bata’ Reyes, Django Bustamante, Andy Valle, Alex Pagulayan, Dennis Orcollo at Ronnie Alcano ang magbibigay-kulay sa pinakamalaking media sports event, kinabibilangan ng humigit-kumulang 120 media practioners at news crew.
Kaagad magkakasubukan sa elimination round ang Malacañang Press Corps (MPC), Team Senate, Congress reporters, Justice Team, GMA-7, ABS-CBN News, ABC-5, IBC-13, NBN-4, DZBB Radio team, SPD reporters, CAMANAVA, LTFRB, Custom at Immigration, PSA-Sports beat, Metro Eastern Rizal Press Corps (Merpo), Sports Team, National Press Club (NPC), Central Luzon Press, at Philippine Press Photographers (PPP).
Sa pamamagitan ng 3-man team format, tanging apat (4) media team ang sasampa sa finals at isang koponan ang mag-uuwi ng P50 libong premyo kung saan makakaharap sa isang exhibition games ang ilan sa mga inimbitahang cue artist.
Sa karagdagang detalye, mag-log on sa www.mediasportsleague.org.