Sumulong ang defending champion De La Salle University sa ikaapat na sunod na panalo matapos pasadsarin ang Adamson University, 76-61 sa UAAP Seniors Basketball Tournament na nagpatuloy kahapon sa PhilSports Arena.
Matapos mabigo sa karibal na Ateneo na siyang nangunguna ngayon sa malinis na 4-0 record, apat na sunod na panalo ang tinuhog ng Archer upang manatili sa likuran ng kanilang mahigpit na karibal.
Matapos sumulong ang La Salle sa 35-22 pangunguna, napreserba nila ang trangko nang hindi nila hinayaang magtagumpay ang paghahabol ng Falcons sa ikatlong quarter.
Tumapos si JV Casio ng 19 points, five assists at four rebounds kasunod si Rico Maierhofer na may 13 markers at seven boards upang sirain ng Archers ang back-to-back win ng Adamson na bumagsak sa 2-3 win-loss slate.
Nagpasikat din ang La Salle rookie na si Maui Villanueva na tumapos ng personal-best na 12 points at four rebounds habang sina Peejay Barua at Bader Malabes ay may tig-10 puntos.
Matapos mabaon ng 13-puntos, naghabol ang Adamson at nagpakawala ng 13-4 atake para makalapit sa 35-39 ngunit gumanti ang La Salle ng 13-4 para sa 52-39 kalamangan, 13 segundo na lamang sa ikatlong quarter.
Sa ikalawang laro, nakabawi ang University of the East sa dalawang sunod na talo para sumulong sa 3-2 record matapos ang 87-58 panalo sa University of the Philippines na bumagsak sa 1-4. (MBALBUENA)