Singapore -- Opisyal na biniyayaan si World number one Dennis Orcollo ng wild card berth sa kanyang pagsama sa power-house Philippine team na magtatangkang putulin ang dominasyon ng Chinese-Taipei sa pagtatanghal ng Guinness 9 Ball Tour na ihohost ng Singapore ang ikaapat na yugto sa Velocity@Novena Square mula July 25-27.
Sariwa pa sa kanyang panalo sa inaugural World 9-Ball sa Qatar nitong buwan, sasamahan ni Orcollo ang 5-man Philippine squad na kinabibilangan nina world No. 6 Joven Bustamante, Genting leg runner-up Antonio Gabica, Philippine Junior Pool champion Jericho Bañares at 2004 World Pool Champion Alex Pagulayan. Huling inangkin ng mga Pinoy ang tagumpay noong 2006.
“I feel great about joining the Guinness 9 Ball Tour again and being ranked world number one definitely added to my self confidence. At the same time, it gives me pressure because I know that people are watching, and I have to live up to my being world number one,” wika ni Orcollo.
Si Orcollo ay sumali sa ikalawang leg na ginanap sa Penang, Malaysia ngunit napatalsik sa group stage ng kalabang Taiwanese na si Yang Ching-Shun sa event na inorganisa ng ESPN STAR Sports.
Si defending Grand Finals champion Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei ang siya pa ring man to beat makaraang angkinin ang tatlong yugto ng 2008 Tour-- ang Chinese-Taipei leg, Penang at Genting Highlands.
Si Chang, na nalagpasan na ang rekord ng maalamat na si Efren Reyes, ang babandera sa Chinese-Taipei contingent, na binubuo din nina 2007 Singapore leg winner Yang Ching-Shun, 2008 Penang leg runner-up Wang Hung-Hsiang at 2005 WPA World Pool Champion Wu Chia-Ching.
Nakataya sa Singapore Leg na ito ang halagang $50,000 papremyo at puntos para makasali sa Grand Final ng Tour sa Jakarta na tatampukan ng Top Ten players sa overall Order of Merit.