Semis puntirya ng Ginebra at Magnolia

Sa nakuhang 1-0 abante, may tangan na ngayong ‘twice-to-beat’ advantage ang Gin Kings at Beverage Masters hinggil sa kanilang best-of-three quarterfinals series ng Realtors at Tigers, ayon sa pagkakasunod. 

Asam na tapusin na ang kani-kanilang serye, sasagupain ng Barangay Ginebra ang Sta. Lucia ngayong alas-4:50 ng hapon kasunod ang banggaan ng Magnolia at Coke sa alas-7:20 ng gabi sa krusyal na Game 2 ng kanilang best-of-three quarterfinals showdown sa 2008 PBA Fiesta Conference sa Ynares Center sa Antipolo City. 

Tinalo ng Gin Kings ang Realtors, 92-90, sa Game 1 noong Linggo na tinampukan ng 30 puntos ni Mark Caguioa, samantalang iginupo naman ng Beverage Masters ang Tigers, 108-96, mula sa paglimita kay import Jason Dixon sa personal conference-low 6 puntos at 8 sa bagong hugot na si Brandon Dean.

Ang mananalo sa pagitan ng Ginebra at Sta. Lucia ang siyang hahamon sa naghihintay na Red Bull Barakos sa semifinals series, habang ang mananaig naman sa labanan ng Magnolia at Coke ang sasagupa sa Air21. (RCadayona)

Show comments