Isang panalo na lang ang kailangan ng mga Beverage Masters para makatagpo ang naghihintay na Air21 Express sa semifinal series.
Ito ay matapos gibain ng Magnolia ang Coca-Cola, 108-96, tampok ang 20 puntos at conference personal-high na 15 rebounds ni Lordy Tugade para angkinin ang Game 1 ng kanilang quarterfinals showdown sa 2008 PBA Fiesta Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang nasabing panalo ang nagbigay sa Beverage Masters ni Siot Tanquingcen ng 1-0 lead sa kanilang best-of-three quarterfinals duel ng Tigers ni Binky Favis.
Kaagad na kinuha ng Magnolia ang malaking 12-point lead, 30-18, sa first period patungo sa pagpoposte ng isang 16-point advantage, 64-48, kontra sa Coke sa 7:14 ng second quarter mula sa dalawang freethrows ni import Amal McCaskill.
Sa likod nina Asi Taulava, Nic Belasco at rookie Ronjay Buenafe, nailapit ng Tigers ang labanan sa pagsasara ng third period, 72-76, hanggang maiposte ng Beverage Masters ang pinakamalaki nilang bentahe sa 17 puntos, 99-82, sa 4:37 ng final canto mula sa isang three-point shot ni Mike Cortez.
Huling nagbanta ang Coke, ipinarada ang kapalit ni Donald Copeland na si Brandon Dean, sa 93-104 agwat sa huling 1:38 ng laro .
Kasalukuyan pang naglalaro ang Barangay Ginebra at ang Sta. Lucia habang sinusulat ang balitang ito kung saan ang mananaig ang lalaban sa naghihintay na Red Bull Barakos sa semis. (Russell Cadayona)