Kinumpirma kahapon ni Keith Keizer, ang Executive Director ng Nevada State Athletic Commission (NSAC), ang pagsusumite ng aplikasyon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa pinaplantsang world lightweight championship fight nina Filipino Manny Pacquiao at Venezuelan Edwin Valero.
Gusto ni Arum na itakda ang unang pagdedepensa ni Pacquiao ng kanyang hawak na World Boxing Council (WBC) lightweight belt laban kay Valero sa Nobyembre 15 sa Planet Hollywood sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaang hindi pa binibigyan ng NSAC ng lisensya ang 26-anyos na si Valero, ang kasalukuyang super featherweight titlist ng World Boxing Association (WBA), na lumaban sa Nevada matapos ang isang brain surgery mula sa isang motorcycle accident noong 2001.
At matapos nito ay sa Japan na palagiang lumalaban si Valero, may 24-0 win-loss ring record kasama ang 24 KOs, bilang isang super featherweight champion.
Isang physician ang kukunin ng Top Rank para rebisahin ang medical records ni Valero bago magsumite ng isang report sa NSAC Medical Advisory Board, pinamumunuan ni neurologist Dr. Al Capanna, para sa inaasam na rekomendasyon. (Russell Cadayona)