Gagawin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang lahat upang makakuha ng akreditasyon si Filipino world four-division champion Manny Pacquiao para sa darating na 29th Olympic Games sa Beijing, China.
Ito ang inihayag kahapon ni Bacolod Rep. Monico Puentevella, ang first vice-president ng POC at itinalaga bilang Chef de Mission ng Team Philippines sa 2008 Beijing Games sa Agosto 8-24.
“We will move mountains in China, in the Chinese Embassy, in the Chinese organizing committee to have him accredited,” wika ni Puentevella sa hangarin ng POC na makapagsumite ng late application para sa accreditation ng 29-anyos na si Pacquiao.
Sa kanyang courtesy call sa Malacañang noong Biyernes, itinalaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Pacquiao bilang Special Envoy ng bansa sa 2008 Beijing Games.
Ang naturang posisyon ng tubong General Santos City ay nangangahulugan ng pagiging ‘flag bearer’ nito, ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita.
Iginalang naman ni national swimmer Miguel Molina, tinanghal na Best Athlete sa 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand matapos lumangoy ng apat na gintong medalya noong 2007, ang naturang desisyon at nagbigay-daan sa pagiging ‘flag bearer’ ni “Pacman”.
“I spoke to the President that Friday morning and she told me to look for a way to solve this problem. And I’m glad that Miguel Molina gave us the solution,” ani Puentevella kay Molina, naunang kinilala ng POC bilang ‘flag bearer’ ng Team Philippines sa 2008 Beijing Games. (Russell Cadayona)