2 Pinoy aakyat uli sa ring sa Las Vegas

Dalawang Filipino fighters ang makikita sa aksyon ngayon sa Planet Hollywood Casino sa Las Vegas, Nevada.

Nakatakdang sagupain ni Filipina super bantamweight sensation Ana “Hurricane” Julaton si Johana Mendez sa isang six-round bout, saman=talang haharapin naman ni Filipino superbantam-weight Glen “Rapid Fire” Gonzales si Robert John DaLuz.

Ang 27-anyos na si Julaton ay ang tanging woman boxer na ginagabayan ni American trainer Freddie Roach sa kanyang Wild Card Boxing Gym sa Holly=wood, California at minsan na ring nakakasabay ni Filipino world-four division champion Manny Pacquiao.

“He’s been a great inspiration,” ani Julaton, magdiriwang ng kanyang ika-28 kaarawan ngayong araw, kay Pacquiao. “Once he helped me get a fight.”

Nanggaling si Julaton sa isang first-round TKO kay Salina Jordan noong Hunyo 26 para ilista ang kanyang malinis na 4-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 1 KO, habang dinadala naman ni Mendez ang 3-0-0 (1 KO) slate.  

“I know she has a good amateur background,” wika ni Julaton kay Mendez. ”My goal is to be a world champion. I  feel it’s the only thing I can give in return.”

Ito naman ang kauna-unahang laban ni Gonzales, may 6-0-1 (4 KOs) card kontra sa 11-11-2 ( 9 KOs) ni DaLuz, sa United States.

Si Gonzales ay tubong North Cotabato. (Russell Cadayona)

Show comments