May problema ba?

First time mo?

Oo naman! Iyan marahil ang isinisigaw ng mga miyembro ng Air 21 Express na sa kauna-unahang pagkakataon bilang miyembro ng PBA ay nakakuha ng automatic semifinals berth sa Smart Fiesta Conference.

At marami talaga ang nagulat sa kanilang na-accomplish.

Kasi nga, hindi naman sila ang tinitingalang koponan bago nagsimula ang conference. Kung magugunita, walong healthy bodies lang mayroon ang Air 21 nang mag-umpisa ang Fiesta Conference. Aba’y may mga kapansanan o karamdamang iniinda sina Gary David, Gabby Espinas, Ervin Sotto at JC Intal.

Kahit pa sabihing marginal players ang ilan sa mga ito, aba’y kailangan pa rin sila sa ensayo o kaya’y bilang karelyebo ng mga starters.

So, sa umpisa pa lang ay medyo hirap na sa rotation ng players si coach Dolreich “Bo” Perasol. Pero naitawid niya ang sitwasyon hanggang sa magbalikan ang mga injured players niya.

Siyempre, malaking bagay din para sa Air 21 ang pang-yayaring mahusay kaagad ang naparating nilang import na si Steven Thomas. Hindi matatawaran ang mga nume-rong naibigay niya sa team. Sa 18 games, si Thomas ay nag-average ng 24 puntos, 16.59 rebounds, 3.82 assists, 0.82 steal, 1.29 blocked shots at 4.82 errors sa 41.88 minuto.

Hayun at naitala ng Air 21 ang pinakamaganda nitong record sa pagtatapos ng elims. May 12 panalo at anim na talo lang ang tropa ni Perasol at dumiretso nga sila sa semis.

Kaya lang ay magkahalong tuwa at kaba ang nararam-daman ni Perasol ngayon. First time nga kasi, e. Ganoon talaga!

Masaya siya sa kanyang nagawa para sa team. Pero kinakabahan siya dahil bago ang sitwasyong ito para sa kanila.

Paano sila mananatiling “sharp” sa loob ng tatlong linggong bakasyon kung saan sila-sila ang magtutunggali sa ensayo at walang tunay na larong susuungin. Mahirap nga naman yung sila-sila lang ang magkalaban. Iba yung actual games sa ensayo.

Gusto man nilang yayain ang eliminated na Welcoat na makipag-ensayo, hindi rin siguro puwede dahil bakasyon na ang mga Dragons!

Sa ngayon ay magba-bonding muna ang Express sa Batangas para lalong patatagin ang pagkakaisa nila. Pagbalik nila sa Maynila, saka na lang nila puprublemahin ang pag-iwas sa pangangalawang!

 

Show comments