Sa kabila ng murang edad na 19-anyos, handang-handa na si Filipino super flyweight sensation AJ “Bazooka” Banal sa kanyang kauna-unahang title shot laban kay Rafael Concepcion ng Panama.
“Ito na talaga ‘yung matagal ko nang hinihintay. Talagang hindi ko na pakakawalan itong ganitong pagkakataon,” sabi ni Banal kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa U.N. Avenue sa Maynila sa kanilang banggaan ni Concepcion para sa bakanteng World Boxing Association (WBA) super flyweight crown sa Hulyo 26 sa Cebu Coliseum sa Cebu City.
Nabakante ang nasabing WBA title nang mabigo ang dating kampeon nitong si Alexander Munoz kay Christian Mijares noong Mayo.
Ibabandera ni Banal, ipinanganak sa Bukidnon at ngayon ay nakabase sa Cebu City, ang 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, samantalang tangan naman ni Concepcion ang 10-2-1 (6 KOs).
Nanggaling si Banal sa isang fourth-round stoppage kay Caril Herrera ng Uruguay noong Abril 6 sa Araneta Coliseum para sa kanyang pang 17 sunod na arangkada, habang nagmula naman si Concepcion sa isang third round TKO kay Jean Piero Perez noong Marso 27 sa Panama.
“Ilang laban lang niya ang napanood ko pero alam ko na hindi ako dapat magkumpiyansa sa kanya kasi malakas rin naman siya,” ani Banal kay Concepcion. “Kapag natamaan ka ng lucky punch, wala ka nang masasabi.”
Hangad ni Banal na makahanay sina super featherweight Manny Pacquiao, bantamweight Gerry Peñalosa, flyweight Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at minimumweight Donnie “Ahas” Nietes sa mga Pinoy na kasalukuyang world champions. (Russell Cadayona)