Malapit ng tumanggap ng retirement, health care at death benefits mula sa pamahalaan ang mga Pinoy professional athletes na nanalo ng world titles.
Sinabi ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Eric Buhain na naipasa na ng House Committee on Youth and Sports ang House Bills No. 244, 278 at 2485, na ipinakilala nina Representatives Manuel ‘Way Kurat’ Zamora , Darlene Antonino-Custodio at Monico Puentevella.
Ang bill ay kikilalaning ‘The Professional Filipino Athletes Retirement (Incentives and) Health Care and Death Benefits Act of 2008’, ay dadalhin sa Senado para sa plenary approval at kumpiyansa si Buhain na aaprobahan ito ng Senado dahil ang isa sa orihinal na may-akda nito ay si Senator Chiz Escudero.
Ayon kay Buhain, ipinabatid ni House Committee on Youth and Sports chairman Cesar Jalosjos na naaksiyunan na ng kongreso ang naturang bill na magbibigay ng ‘retirement, health care at death benefits sa mga professional Filipino athletes na nagwagi ng world title o katumbas na parangal sa prestihiyosong international championship.
Ang monthly pension na P15,000 ay ibibigay sa individual world champions, habang ang bawat miyembro ng team event ay tatanggap naman ng P10,000 monthly pagsapit nila sa edad na 55.
Ang naturang bills, na retroactive, ay magbibigay din ng hanggang P200,000 sa hospital bills sa mga beneficiaries at health insurance sa kanilang pamilya. Ang iba pang benepisyong matatanggap ay P30,000 para sa burial expenses.