Sa kabila ng pagkakaurong ng kanyang world title shot, hindi pa rin maitago ni Glenn ‘The Filipino Bomber’ Donaire ang kanyang kasabikan.
“I’m ready,” wika kahapon ni Donaire sa kanyang paghahamon kay Mexican Ulises “Archie” Solis, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) light flyweight champion, sa “Latin Fury” sa Hulyo 12 sa Mexico. “With only two weeks I was ready. Now with one month…I’m just really excited.”
Iniatras ng Top Rank Promotions ni Bob Arum ang banggaan nina Donaire, nakatatandang kapatid ni IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr., at Solis noong Mayo 17 sa Aguascalientes, Mexico bunga ng pagkakaroon ng sakit ng Mexican champion.
Nanggaling ang 28-anyos na si Donaire sa isang unanimous decision sa eight round bout ni Jose Albuquerque noong Pebrero 22 sa Reno, Nevada.
Ang nasabing laban ang kauna-unahan ni Donaire matapos mabigong agawin kay Vic Darchinyan ng Armenia ang suot nitong IBF at IBO flyweight belts, kinuha ni Nonito via fifth round TKO noong Hulyo ng 2007, noong Nobyembre 7 ng 2006.
Ang salpukang Donaire-Solis light flyweight championship ay nasa ilalim ng laban ni Julio Cesar Chavez, Jr., ayon kay Arum, promoter rin ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Dadalhin ni Donaire ang 17-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 9 KOs, kontra sa ibinabanderang 26-1-2 (20 KOs) ni Solis ng Guadalajara, Mexico na matagumpay na nagdepensa kina Filipino challengers Rodel Mayol at Bert Batawang. (RCadayona)