Pinulbos ni Harry Tanamor si Essomba Thomas ng Cameroon , 17-4, nitong Sabado ng gabi upang makopo ang light flyweight gold medal sa 1st AIBA President Cup sa Hsinchuang Stadium sa Sinjhuang City, Taiwan.
Idinikta ng kumpiyansang si Tanamor na gumamit ng kanyang natutunan mula sa isang buwang training sa Cuba, ang tempo ng laban mula simula hanggang matapos upang maging unang champion ng torneong idinaos bilang paggalang kay AIBA president Dr. ChingKuo Wu na nagpaunlad ng sport.
Para makarating sa finals, tinalo ni Tanamor si Eduard Bermudez ng Venezuela , 15-11, bago ma-outscore si Mongolian Purevdori Sardamba, 6-4, sa semifinals.
Sina Serdamba at Thomas ay lalaban sa Beijing Olympics kasama sina Rafirjon Sultonov ng Uzbekistan, Jack Willie ng Papua New Guinea, Birzhan Zhakypov ng Kazakhstan at Jafet Uutoni ng Namibia.
Ang gold medal finish ni Tanamor ay lumukob sa pagkakasibak ng iba pang miyembro ng Smart-PLDT RP Boxing Team na sina flyweight Rey Saludar, bantamweight Charlie Suarez, lightweigh Orlando Tacuyan Jr. at lightweight Genebert Basadre.