TANAUAN CITY — Napag-wagian ni Gabe Norwood ng Hapee Toothpaste ang halos lahat ng individual awards pero nakopo naman ni Jason Castro ang pinakamalaki at maningning na parangal sa lahat.
Ito ang pinakamainit na karera sapul noong 2004 kung saan tinalo ni Castro si Norwood ng may pinakamaliit na margin at makapagtala ng record sa pagwawagi ng kanyang ikatlong Most Valuable Player award.
“Ako ay nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa akin para manalo ulit. Ako ay lubos na nagpapasalamat sa mga teammates ko, kay coach Jorge (Gallent) at sa management lalong lalo na kina Sir Mikee (Romero) and manager Erick (Arejola),” ani Castro.
“Jason deserves his third MVP trophy because he really worked hard for it. He has been a phenomenal not only here but also overseas. He actually raised the bar for guards for his quickness, leaping ability and craftsmanship,” pahayag ni Romero, may-ari ng Harbour Centre.
Bagamat pumangalawa siya kay Norwood sa statistical points, napagwagian ni Castro ang sapat na puntos mula sa boto ng mga players at media upang tanghaling most accomplished player ng liga sapul nang makuha ito ni Eric Menk may sampung taon na ang nakakalipas.
Kumuha si Castro ng 856 points sa stats at 144.2 sa boto ng players at media para sa kabuuang 1,000.2 puntos laban sa 982.41 ni Norwood.
Gayunpaman, nakuha na-man ni Norwood ang Fantastic Freshman at Fan Favorite awards bukod sa pagkakapili sa PBL First team kasama si Castro.