Gensan namayagpag sa gymnastics; Zamboanga humataw sa athletics

LANAO DEL NORTE -- Namayagpag ang General Santos City sa artistic gymnastics habang humataw naman ang Zamboanga sa athletics kahapon sa Mindanao qualifying games ng 3rd Philippine Olympic Festival sa Mindanao Civic Center dito.

 Komopo sina Emelou Pono at Precious Valerie Pama ng tig-apat na gold sa girls’ artistic gymnastics at lima pang male gymnasts mula sa Tuna Capital ng bansa ang nagsubi ng ginto mula sa kani-kanilang events sa boys’ side para sa pagkopo ng GenSan ng 29 sa 36 medals na pinaglabanan sa naturang sport.

Dinomina ni Pono, 15-anyos, ang floor exercise, vault, balance beam at all-around events ng category 2 level 3 habang namayani naman si Pama sa parehong mga events sa category 1 level 3.

Ang iba pang nanalo ay sina Ivan Oracion (cat. 1, level 1), Ivan Rey Bagaboyboy (cat 1, level 3), Reach Mark Pama (cat 2, level 2), Diego Aristotle Biñan (cat 2, level 3) at Miolito Romualdo (cat 2, level 1) sa floor exercise, vault at all-around events ng kani-kanilang events sa boys’ artistic gymnastics.

Maganda naman ang simula ng defending champion na Zamboanga sa track and field sa pagkopo ng 12 golds sa unang araw ng kompetisyon.

Pinangunahan nina sprinters Rexlester Binosa at Rucellen Vales ang paghakot ng Zamboanga ng anim na golds sa track sa kanilang panalo sa boys’ at girls’ 100-meter dash sa event na suportado ng Globe, ACCEL, Pagcor, AMA Computer College, Negros Navigation, The Philippine Star at Creativity Lounge.

Nagtala si Binosa ng 10.94 seconds sa boys’ century dash habang nagposte naman si Vales ng 12.42 seconds para sa ginto ng naturang event sa girls side.

Show comments