Kasabay ng paglimita kay Red Bull import Adam Parada, kumamada naman si two-time Most Valuable Player Willie Miller tungo sa 101-90 panalo ng defending champion Alaska sa Bulls sa pagpapatuloy ng 2008 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum kagabi.
Umiskor si Parada ng 15 puntos sa first period ngunit nilimitahan ito ng Aces sa tatlong puntos sa third quarter at 4-puntos sa final canto habang kumamada naman si Miller ng 24-puntos bukod pa sa kanyang 7 rebounds at 6 assists para umangat ang Aces sa 4-6 kartada.
“We did a good job on defending against Adam Parada as well as limiting Cyrus Baguio in the first half,” ani coach Tim Cone, nakahugot rin ng 21 marka kay import Randy Holcomb, 12 kay Sonny Thoss at tig-11 kina Cariaso at Dela Cruz.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Aces matapos ang apat na sunod na talo habang nalasap naman ng Bulls ang ikatlong kabiguan sa 10-laro at kasalo nila ngayon sa liderato ang Talk N Text kasunod ang Coke (6-4), Sta. Lucia (5-4), Air21 (5-4), Magnolia (5-4), Purefoods (3-5).
Habang sinusulat ang balitang ito ay naglalaban pa ang Ginebra (1-7) at Welcoat (3-6).