Nang umarangkada sina 6-foot-1 import Gee Gervin, Asi Taulava at Mark Telan sa final canto, hindi na napigilan ng mga Beverage Masters ang mga Tigers.
Kumolekta si Gervin ng 35 puntos kasunod ang 21 ni Taulava at 13 ni rookie Ronjay Buenafe para tulungan ang Coca-Cola sa 106-92 paggupo sa Magnolia sa classification phase ng 2008 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
Isang 12-2 bomba ang inihulog ng Tigers upang iwanan ang Beverage Masters, ikatlong sunod na pagkakataon nang hindi nagagamit si Danny Seigle bunga ng left foot injury nito, sa 86-73 sa 7:00 ng fourth quarter mula sa 75-71 abante sa third period.
Sa pamumuno nina Gervin, Taulava at Telan, itinala ng Coke, nakatabla ang Red Bull Barakos sa liderato sa bisa ng magkatulad nilang 6-2 kartada, ang isang 20-point lead, 100-80, buhat sa dalawang freethrows ni Buenafe sa huling 3:10 nito.
Huling nakalapit ang Beverage Masters sa 92-104 agwat mula sa ikalawang sunod na tres ni Chris Calaguio sa nalalabing 41.1 segundo kasunod ang charities ni Taulava para sa pinal na iskor.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Phone Pals, asam ang kanilang pang apat na dikit na ratsada, at ang Dragons habang isinusulat ito.
Samantala, itatampok ng Giants si seven-footer Moroccan import Reda Rhalimi, tumipa ng mga average na 10.5 puntos at 5.1 boards sa isang pro league sa Greece, sa kanilang laro ng Aces ngayong alas-4:30 ng hapon sa Calape Sports Center sa Bohol. (Russell Cadayona)