Para sa Harbour Centre at Hapee Toothpaste, ang tunay na giyera ay ngayon pa lamang magsisimula at hangad nilang maisaayos ang kanilang sagupaan para sa titulo sa pakikipagharap sa magkahiwalay na kalaban sa pagbubukas ng kanilang semis series sa PBL Lipovitan Amino Sports Cup sa Tarlac State University gym sa Tarlac City.
Ang Batang Pier at Complete Protectors ay nagtapos bilang No. 1 at No. 2 teams ayon sa pagkakasunod sa double-round elims para makakuha ng outright semis berths na nagbigay sa kanila ng isang linggong pahinga na inaasahang magiging bentahe nila kontra sa mga Burger King at San Mig Coffee.
Unang sasalang ang Hapee sa pakikipagharap sa Burger King sa alas-4:00 ng hapon kasunod ang pakikipagsagupa ng Harbour Centre sa San Mig Coffee sa alas-6:00 ng gabi.
Ginamit ng Batang Pier ang kanilang prebilihiyong mamili ng kalaban sa Coffee Kings.
Tampok sa sagupaan ng Batang Pier at Coffee Kings ang pagtatapat nina back-to-back MVP Jason Castro at Bonbon Custodio.
Mabibilis ang dalawang players na ito at malalakas ang loob. Pinatunayan ito ni Castro sa pagpirma ng lukratibong kontrata sa Singapore Slingers na sasabak sa Australia-based National Basketball League.
Ito ang unang pagkakataong lalaruin ang unang laban ng semis series sa labas ng Maynila at ito ay sa tulong nina Philippine Olympic Committee spokesman Joey Romasanta, Tarlac City Mayor Genaro Mendoza at City Sports Development Officer Arnold Rodriguez. Ang Game-Two ng serye ay gaganapin sa Baguio.