Lumaro si Antonio Gabica ng mas epektibo at walang kaba upang igupo si Silverio Tulabing, 9-4, para makausad sa third round ng $30,000 Philippine Pool Tour Mandaluyong Mayor’s Cup 10-ball championship na hatid ng San Miguel.
Si Gabica, kakaba-kaba sa 9-6 panalo laban kay Richard Rollo nitong Martes at isa sa apat na players na magiging mahigpit na kalaban ni Marlon Manalo para sa $10,000 champion prize.
Natalo si Gabica, Southeast Asian Games gold medal winner sa lag at sa unang rack bago nanalo sa sumunod na apat na racks tungo sa 4-1 at kinuha nito ang huling apat na racks mula sa 5-4 kalamangan tungo sa taumpay.
Nagtagumpay din si Manalo at Jeffrey De Luna nitong Martes ng gabi sa Kaban ng Hiyas Auditorium.
Tinalo ni Manalo si Luis Saberdo upang sundan ang tagumpay ni De Luna kay Frenchman John Berille.
Nabaon pa ang 2005 Reno Open champion na si Manalo sa 1-3 at 4-6 ngunit kinuha niya ang sumunod na limang frames tungo sa tagumpay.
Umusad din si dating world champion Hohmann matapos igupo si Benigno Lopez Deleon, 9-2, at samahan sina American Johnny Archer at Japanese Satoshi Kabawata sa susunod na round.