Isang 10-round, non-title fight ang susunod na susuungin ni Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion sa Mayo 17 sa Mexico City.
“Wala pang sinasabi ang Top Rank Promotions kung sino ang makakalaban ko, pero tuluy-tuloy naman ang training ko sa Wild Card Gym ni coach Freddie (Roach),” sabi kahapon ng 20-anyos na si Concepcion.
Isang second-round technical knockout (TKO) ang kinuha ng tubong Virac, Catanduanes laban kay American challenger Torrence Daniels upang patuloy na isuot ang kanyang North American Boxing Federation (NABF) super bantamweight crown noong Linggo sa Queretaro, Mexico.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank na isasama niya ang pangalan ni Concepcion sa undercard ng “Latino Fury” sa Mayo 17 sa Aguascalientes, Mexico sa ilalim ng banggaan nina Mexican warrior Jorge Arce at Thai fighter Devid Lookmahanak.
Ipinangako ni Arum ang pagpaplantsa ng title bid ni Concepcion, nagdadala ng 24-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, kay Canadian Steve Molitor na kampeon sa International Boxing Federation (IBF).
Bukod kay Molitor, ang pangalan rin ni Mexican Israel Vazquez, hari sa World Boxing Council, ang nababanggit ni Arum.
“Basta kahit sino kina Steve Molitor o Israel Vazquez kaya kong labanan. Ako, palagi lang naghahanda para kapag may laban, ready ako,” sabi ni Concepcion, pangalawang sunod na pagkakataong nakasikwat ng panalo sa Mexico.
Puspusan pa rin ang preparasyon ni Concepcion sa Wild Card Boxing Gym ni Roach sa Hollywood, California. (R. Cadayona)