May plano si Arum para kay Concepcion

Magandang kinabukasan ang pinaplantsa ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para kay Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion.

Sinabi ni Arum na maaari niyang ayusin ang paghahamon ng 20-anyos na tubong Vigan, Catanduanes kay International Boxing Federation (IBF) super bantamweight champion Steve “The Canadian Kid” Molitor.

Ito, ayon kay Arum, ay kung magiging matagumpay ang pagdedepensa ni Concepcion sa kanyang suot na North American Boxing Federation (NABF) crown sa 33-anyos na si American Torrence Daniels bukas (Manila time) sa Queretaro, Mexico City.

“I have great hopes for Bernabe Concepcion. He is a good fighter with a lot of heart and class,” sambit ni Arum kay Concepcion.

Ibabandera ni Concepcion ang kanyang 24-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, samantalang dadalhin naman ni Daniels ang 10-3-1 (4 KOs) card.

Kasalukuyang sumasakay si Concepcion sa isang 16-fight winning streak, ang huli ay mula sa kanyang unanimous decision kay Mexican Juan Ruiz noong Pebrero 9 sa Guanajuato, Mexico.

Samantala, inilipat naman ni Arum sa Mayo 13 ang press conference para sa world lightweight championship fight nina Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at Mexican-American David Diaz sa Los Angeles, California.  (RCadayona)

Show comments