Ipinoste ng Adamson ang No. 8 win habang nakabangon naman ang Far Eastern U sa 7-sunod na talo matapos ang magkahiwalay na panalo sa Shakey’s V-League Season 5 sa The Arena sa San Juan.
Nanatiling malinis ang record ng Lady Falcons matapos ang 26-28, 25-16, 25-19, 25-23 panalo laban sa Lyceum sa ikalawang laro habang dumaan naman sa butas ng karayom ang Lady Tams bago iposte ang 25-19, 18-25, 22-25, 25-23, 15-12 win laban sa Ateneo sa unang laro.
Muling natalo ang Lady Falcons, bumangon mula sa pagkatalo sa unang dalawang set upang igupo ang Lady Eagles noong Linggo, sa opening set ngunit nakabawi sila upang mangailangan na lamang ng dalawang panalo para ma-sweep ang double-round elims sa tournament na sponsored ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.
Ang pagkatalo ng Ateneo at Lyceum na tabla sa 3-4 record ay nagbigay sa pahingang San Sebastian (6-1) ng libreng outright semis berth dahil hanggang anim na panalo na lamang ang kayang abutin ng Lady Eagles at Lady Pirates.
Bagamat wala si Jacqueline So na nagkaroon ng injury at di na makakalaro sa buong season, patuloy sa pananalasa ang Adamson dahil kina Angela Benting, Neriza Bautista, Rissa Laguilles, Michelle Segodine at Jill Gustilo, na nagtulung-tulong sa 64 points.
Nagtulong naman sina Shaira Gonzalez at Irish Morada para sa 27 hits, ang bulto nito ay sa deciding set para tapusin ng Lady Tams ang laro sa loob ng dalawang oras.