Pinalakas ng Pharex at ng Burger King ang kanilang tsansa sa outright semis matapos ang magkahiwalay na panalo sa PBL Lipovitan Amino Sports Cup sa The Arena sa San Juan City.
Sinayang ng Medics ang 18-point lead (55-37) sa kaagahan ng third quarter ngunit nakabawi sila nang magdeliber sina Ronnie Bughao at Sean Co sa crunch time tungo sa 81-77 panalo kontra sa Bacchus Energy Drink.
Humataw naman si Khiel Misa sa huling limang minuto ng laro tampok ang kanyang tres at three-point play upang ihatid ang BK Whoppers sa 67-61 come-from-behind win laban sa San Mig Coffee.
Sa tulong nina Rey Mendoza at Christian Luanzon nakalapit ang Raiders sa 61-62 sa pagtatapos ng third quarter mula sa three-point play ni Jorel Canizares, segundo na lamang ang natitira bago nila naagaw ang kalamangan sa 67-64 sa tres ng reigning slam dunk champion na si Rey Guevarra-- ang kanyang ikatlong tres, 7:51 pa ang natitira.
Tatlong sunod na basket ang kinana ng Medics para sa 70-67 lead bago naitabla ng Raiders ang iskor sa ikatlong tres ni Guevarra, 4:51 pa ngunit ito na ang kanilang huling buga nang kumpletuhin ni Co ang three-point play at dalawang sunod na basket ni Bughao na muling naglagay sa Pharex sa unahan 77-72, 2:18 ra lamang.
Umangat ang Medics sa fourth place sa 6-6, habang nanganganib na masibak ang Bacchus sa kanilang 4-9 record.
Nang mag-init si Misa, nakuha ng Burger King ang 65-59 kalamangan, 21-tikada na lamang na nagsulong sa kanila sa 8-6 record habang bumagsak naman ang Coffee Kings sa 5-7.
Lumakas naman ang tsansa ng Noosa Shoes sa quarterfinals matapos ang 83-76 panalo sa Nokia-Philippine Youth team sa unang laro.
Nag-improve ang Shoe Stars sa 6-7 record habang nalasap ng RP Youth Team ang ikapitong sunod na talo.