Sa pagpapagaling ng kanyang right elbow injury at paghahanda na rin sa posibleng rematch kay Mexican world super bantamweight titlist Daniel Ponce De Leon, tinanggihan na kahapon ni Filipino bantamweight champion Gerry Peñalosa ang itinakdang laban niya sa Mayo 31.
Kinausap na ng 35-anyos na si Peñalosa ang Golden Boy Promotions at ang kanyang American manager na si Billy Keane hinggil sa kanyang pag-atras sa pinaplanong ikalawang title defense niya sa 22-anyos na si Mexican challenger Abner Mares.
“Kailangan kong ipahinga ‘yung elbow ko tsaka ‘yung muscles ko ng mga one week, kaya hindi talaga ako puwedeng lumaban sa May 31,” ani Peñalosa, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion.
Bago pa man umiskor si Peñalosa ng isang eigth-round TKO kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin noong Abril 6 sa Araneta Coliseum ay may iniinda nang right elbow injury ang Cebu native.
Kamakalawa ay inihayag ng 27-anyos na si Ponce De Leon at ng manager nitong si Joe Hernandez na nakahanda silang itaya ang suot na WBO super bantamweight title sa rematch kay Peñalosa.
“Once we deal with Juan Manuel Lopez (in June) we would love nothing more than to go to the Philippines to fight either Peñalosa or Rey “Boom Boom” Bautista,” sabi ni Ponce De Leon, pinatulog ang 22-anyos na si Bautista sa first round noong Agosto 11 sa Arco Arena sa Sacramento.
Nakatakdang idepensa ni Ponce De Leon ang kanyang hawak na WBO super bantamweight belt laban sa Puerto Rican challenger na si Lopez sa Hunyo 7 sa Atlantic City, New Jersey.
“Kung matatalo niya si Lopez, definitely tuloy na ‘yung reamatch namin either sa Agosto o Setyembre,” wika ni Peñalosa. (Russell Cadayona)