Halos apat na buwan bago ang 2008 Olympic Games sa Beijing, China ay hindi pa rin naibibigay ng gobyerno ang inihandang P30 milyong pondo para sa ilang Olympic-bound Filipino athletes.
Ito ay sa kabila na rin ng pagkakadagdag ni national trap shooter Eric Ang sa listahan ng mga atletang lalahok sa naturang quadrennial event na nakatakda sa Agosto 8-24.
“Ang malungkot talaga dito ay ‘yung ating P30 to P40 million from the government ay hindi pa rin narerelease,” ani Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr.
Ang naturang P30 milyon ay manggagaling sa Philippine Sports Commission (PSC), samantalang ang dagdag na P10 milyon naman ay ipinangako ng Kongreso para sa mga Olympic-bound athletes.
Lumapit na rin ang POC sa ilang private sponsors para tumulong sa kampanya ng maliit na bilang ng national contingent sa 2008 Beijing Games. Kabilang na rito ang Chevron at Microsoft, ayon kay Cojuangco.
“We are hoping that we can show these people that their money will be properly spend well,” sambit ni Cojuangco, nanggaling sa Beijing, China para sa idinaos na pulong ng Association of National Olympic Committee (ANOC).
Kabilang sa mga atletang nakakuha na ng Olympic ticket para sa 2008 Beijing Games ay sina swimmers Miguel Molina, Ryan Arabejo, JB Walsh, Daniel Coakley at Cristel Simms, taekwondo jins Tshomlee Go at Marie Antoinette Rivero, boxer Harry Tanamor, archer Mark Javier, divers Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga.
Si Ang, gold medalist sa nakaraang 2008 Southeast Asian Shooting Championships sa Malaysia, ay nabigyan naman ng wildcard entry. (Russell Cadayona)