Mahigpit ang labanan para sa supremidad sa 1st conference ng 2008 Shakey’s V-League na magsisimula sa Linggo sa The Arena sa San Juan sa pagkawala ng perennial champions University of Santo Tomas at La Salle.
Dahil dito, paborito ang reigning UAAP women’s champion Far Eastern U at ang kanilang NCAA counterpart na San Sebastian sa fifth season na ito ng liga na hatid ng Shakey’s.
Ngunit may kapasidad na manalo ang anim na teams kabilang ang dalawang Visayan team na University of St. La Salle at ang University of San Jose Recolletos.
“Lahat teams to beat. Kaya nga na-invite yang mga yan sa V-League dahil malalakas ang mga yan. Kaya mahirap magsalita. Hindi porke champion ka ng UAAP, ikaw na agad ang paborito,” ani FEU mentor Ernesto Pamilar na panauhin sa lingguhang PSA Forum sa Shakey’s U.N. Avenue branch kahapon.
“Hindi na man tayo playing safe, pero lahat ng teams capable of winning. Kaya depende talaga lahat yan sa ilalaro ng mga players during actual games,” sabi naman ni Sherwin Meneses ng Adamson na dumalo rin sa Forum na suportado ng Shakey’s, PAG-COR, Accel, Brickroad gym at Aspen.