TAIWAN, Taipei — Itinaas ni 2006 DOHA Silver Me-dalist Jeffrey De Luna ang bandila ng Pilipinas matapos ang kanyang makapigil hiningang 9-8 panalo kontra kay Vietnamese Do Hoang Quan sa pag-sisimula ng 2008 Guinness 9-Ball Tour na inorganisa ng ESPN STAR Sports.
Sumandal si De Luna sa kanyang power breaks upang kunin ang maagang 6-1 advantage laban sa di kilalang si Do.
Nakasilip ng pagkakataon ang Vietnamese nang maipasok nito ang green six sa miscue ni De Luna sa tenth frame para sa kanyang four-run rack upang makabalik sa kontensiyon sa 6-7.
Muling sinimot ni De Luna ang bola sa 14th para sa 8-6 advantage ngunit namiskalkula nito ang pink four na nagbenta sa five ball sa corner na nagbigay ng pagkakataon kay Do na nakalapit sa 7-8.
Nagawang maitabla ni Do ang iskor sa 8-all matapos ang kanyang break at ran-out ngunit muling naisalba si De Luna ng kanyang malakas na break at naging pabor sa kanya ang puwesto ng mga bola tungo sa kanyang tagumpay.
Magaan naman ang panalo ni Joven Bustamante laban sa Chinese-Taipei bet na si Chang Pei-Wei, 9-4.
Kilangan pa rin nina De Luna at Bustamante na ipanalo ang kanilang mga susunod na group stage matchups para makapasok sa quarterfinals.
Nakatakdang harapin ni De Luna ang Thai na si Nitiwat Kanjanasri at makakasagupa ni Bustamante ang Malaysian na si Alan Tan.
Bigo naman si Marlon Manalo kay Aaron Koh ng Singapore, 6-9 habang maagang nasibak sa $15,000 tournament na ito si Antonio Gabica na natalo kina Indonesian Budi Sumarno, 8-9 at Tour Grand Finals Champion noong nakaraang taon na si Chang Jung-Lin, 6-9.
May tsansa pa si Manalo kung malulusutan nito si 2007 World Junior Champion Ko Pin Yi ng Chinese Taipei.
Nakikipaglaban pa si Alex Pagulayan, 2004 WPA World Pool Champion kay Yang Ching-Shun habang sinusulat ang balitang ito.