Umaasa ang mga nasibak na national cyclists na aaksyunan ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) at ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kanilang reklamo laban sa isang head coach at isang board member.
Ayon sa spokesman ng nasabing grupo na si dating national rider Carlo Jazul, naibigay na nila kay PhilCycling president Bert Lina at PSC chairman William “Butch” Ramirez ang kanilang reklamo laban kina coach Jomel Lorenzo at board member Robert Magaway.
“Hindi po nakarating kay sir Bert Lina ‘yung letter namin last January 8 pero ‘yung second letter po nakuha na niya last January 18,” sabi kahapon ni Jazul. “Iyong sa PSC naman po, sa NSA daw ito dapat maresolba.”
Kabilang sa mga reklamo ng tropa ni Jazul ay ang anomalya sa presyo ng mga ini-request nilang mountain bike equipment.
Bago ang 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima sa Thailand noong Disyembre ay dumating ang piyase ng mountain bike na nagkakahalaga ng P70,000 bawat set na gagamitin ng mga riders. Ngunit sinabi ni Lorenzo na ito ay hindi aprubado.
“Pero nu’ng nalaman namin, nakuha na pala niya at dinala sa Elixir Trading na pag-aari ni Robert Magaway para ibenta,” ani Jazul kay Lorenzo, inalis rin sa national coaching staff ni Lina kamakailan kasabay ng revamp sa national squad.
Nagkaroon rin ng hokus-pokus sa biniling US-made Iron Horse mountain bike na nagkakahalaga ng P298,500.
Ayon kay Jazul, sinabi sa kanila ni Lorenzo na Iron Horse ngunit nalaman nilang Taiwan-made na Giant Glory na may mas mababang presyong P190,000. (Russell Cadayona)