May natitira pang alas ang Aces

May itinira pang lakas ang Alaska.

Buhat sa mainit na quarterfinal series kontra sa Coca-Cola, nagsilbi itong inspirasyon sa Aces para igupo ang galing sa bakasyong Sta. Lucia Realty, 107-94 sa pagsisi-mula ng kanilang best-of-seven semifinal series sa  2007-2008 PBA Philippine Cup na nagpatuloy kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Humataw si Mike Cortez ng 23 puntos, 6 rebounds at 4 assists  kasunod ang 19 marka ni two-time Most Valuable Player Willie Miller at 18 ni Jeffrey Cariaso para sa Alaska upang wakasan ang eight-game winning streak ng Sta.  Lucia.

“I thought the key was we played a horrible first quarter and then stayed in the game. They were hitting tough shots and we were playing poorly,” ani coach Tim Cone sa Aces na galing sa pag-sweep ng best-of-3 quarterfinal series kontra sa Tigers, 2-0. “It took a lot of mental strength for us to stay in the game. And by doing that, I think my guys gained confidence.”

Nabaon ang Aces sa 15-25 sa kaagahan ng laro ngunit bumangon ang 2007 PBA Fiesta Conference champions upang ibandera ang 18-point lead, 85-67, mula sa isang jumper ni Poch Juinio sa 10:37 ng final canto.

Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang Red Bull at Pure-foods sa Game-One ng kanilang sariling semis series. (MBalbuena)

Show comments