Sinasabing ang laban ni Manny Pacquiao kontra kay reigning World Boxing Council super featherweight champion Juan Manuel Marquez sa Marso 15 sa Mandalay Bay Resort Hotel and Casino ang inaasahang pinakamabigat na labang haharapin ng Pambansang kamao.
Ngayon pa lamang ay kumpiyansa na si Marquez na tatalunin niya si Pacquiao at sa katunayan ay inaasahan niyang magkakaroon ito ng ‘trilogy’ tulad ng naging laban ni Pacquiao kay Marco Antonio Barrera.
Ayon kay Marquez, kung tatalunin niya si Pacquiao sa March 15 ay agad niyang bibigyan ito ng Rematch at iyon ay kung papayag siyang mas maliit ang kanyang tatanggaping purse.
Nainis si Marquez kay Pacquiao dahil ipinipilit ng Pinoy boxers na mas maliit na purse ang dapat lamang tanggapin ng Mexicano.
Aminado si Marquez na malakas si Pacquiao ngunit sinabi niya, “He doesn’t know how to back up. ”
“I am going to use a mixture of aggression, counter-punching, lateral movement but above all intelligence as a boxer to defeat Manny,” ani Marquez.
Sa kanilang unang pagkikita noong May 2004, malakas ang simula ni Pacquiao para mapabagsak agad sa canvass si Marquez ng tatlong beses sa opening round, kaya nabali ang buto sa ilong ng Mexican ngunit nakabawi agad si Marquez at naisalba pa nito ang draw.
“This is the most important fight of my life,” sabi ni Marquez.