Ipinakita ng Talk ‘N Text ang kanilang karakter sa gitna ng pagkawala sa laro nina MacMac Cardona, Harvey Carey sa third period at ni Jay Washington sa fourth quarter nang magsanib ng puwersa sina Yancy De Ocampo, Don Allado, RenRen Ritualo, Jr. at Jimmy Alapag sa huling anim na minuto upang ibigay sa Phone Pals ang 99-96 panalo kontra Welcoat Dragons sa PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome.
“I’m proud of the guys for showing their character. They hung in there and they showed their determination to notch our second straight win,” ani coach Derek Pumaren sa Talk ‘N Text, may 7-6 baraha ngayon katabla ang Magnolia sa ilalim ng Purefoods (10-3), Red Bull (8-4) at Alaska (8-5) kasunod ang Sta. Lucia (6-6), Air21 (5-7), nagdedepensang Ginebra (5-8), Coca-Cola (4-8) at Welcoat (3-10).
Nasipa sa laro sina Cardona at Carey nang bigyan ng flagrant foul si Jojo Tangkay sa huling 2:21 ng third quarter kung saan angat ang Phone Pals sa Dragons, 66-56, habang nakuha ni Washington ang kanyang ikaanim at huling foul sa 5:04 ng final canto.
Magkikita ang Giants at ang Express ngayong alas-4:30 ng hapon sa West Negros College Gym sa Bacolod City. (RC)