Pagkatapos ng kanilang rematch ni Mexican world super featherweight champion Juan Manuel Marquez, isang Dominican Republic titlist naman ang maghahamon kay Filipino boxing hero Manny Pacquiao.
Ayon kay Mexican manager Jose Nunez, gusto niyang iharap ang alagang si Joan Guzman, ang World Boxing Organization (WBO) super featherweight king, kay Pacquiao matapos ang rematch nito kay Marquez sa Marso 15 ng 2008 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaang napahiya si Nunez nang tanggihan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang itinutulak niyang Guzman-Pacquiao championship fight.
“We will fight any champion or anyone with a big name thats marketable,” ani Nunez. “Truthfully the fight we really want is the winner of Pacquiao-Marquez. With Guzman being a promotional free agent at the end of February, the next few months could determine who Guzman signs with.”
Tangan ni Guzman, matagumpay na naidepensa ang kanyang WBO title kay Mexican challenger Humberto Soto noong Nobyembre 17, ang 28-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs.
Nakatakdang idepensa ng 34 anyos na si Marquez (48-3-1, 35 KOs) ang kanyang World Boxing Council (WBC) crown laban kay Pacquiao (45-3-2, 35 KOs) sa Marso 15 ng 2008. (R. Cadayona)