NAKHON Ratchasima — Hindi pa man pormal na nakukuha ang gintong medalya, pormal na maipagmamalaki na ni Daniel Coakley ang kanyang performance, makaraang itala ang pinakamabilis na paglangoy sa 50 meter freestyle kung saan winasak nito ang lumang national record bukod pa sa pagkuha ng tiket patungong Beijing Olympics kahapon ng umaga sa 24th Southeast Asian Games swimming competition dito.
Agad nagpakitang-gilas ang 6’1 Filipino-Hawaiian sa heat at lumangoy ng 23.08 segundo na sumira sa dalawang taong record ni Ronald Guiriba na 23.76 segundo na itinala noong 2005 SEAG.
Nagtala ito ng bagong record kinagabihan sa finals sa oras 22.80 segundo.
Dagdag pa kay Coakley, na apo ng great Olympian bronze medalist Teofisto Ildefonso, ang Category B qualifying time sa event upang maging ika-apat na Pinoy na kuwalipikado sa Beijing Olympics.
Ang tatlong may tiket na rin patungong China ay sina Miguel Molina, Ryan Arabejo at James Walsh.
“Daniel blew everyone practically away. We didn’t expect that. He almost cut down one second from his previous personal best of 23.98,” wika ni head coach Pinky Brosas.
Bukod kay Coakley, umusad din sa finals si Kendrick Uy (24.33) para sa event din na iyon. (Dina Marie Villena)