NAKHON RATCHA-SIMA -- Kung anumang balakid ang nakaharang sa landas ng Philippine basketball, unti-unti na nila itong inaalis upang masiguro ang kanilang mithiing mapanatili ang titulo sa 24th Southeast Asian Games basketball makaraang paglaruan ang Indonesia, 75-49 sa kanilang ikalawang panalo sa Keelapirom Stadium sa loob ng malawak na Suranaree University of Technology.
Pinalakpakan at hinangaan nang magpalabas ng isang slamdunk, nanguna ang FilAm cager na si Gabe Norwood makaraang magtala ng 19 puntos at 8 rebounds.
Sa ngayon dalawang panalo na lamang ang kanilang layo para maidepensa ang titulo na huling napagwagian ng Nationals noong 2003 Vietnam SEAG kung saan hindi nila naidepensa sa Manila SEAG noong 2005 dahil sa suspensiyong ipinataw ng FIBA sa bansa.
“We expected it to be the championship game, but Indonesia appeared just contented playing for the silver,” wika ni coach Junel Baculi sa inaasahan niya sanang dikit na laban.
Susunod na makakalaban ng Pinoy cagers ang Malaysia na nanaig sa host Thailand, 70-65 sa Miyerkules bago tuluyang tapusin ang kanilang kampanya laban sa host country sa Huwebes at sakaling masweep ng Nationals ang lahat ng kanilang laban ay awtomatikong kampeon na sila.
Hindi naman sinuwerte ang Pinay cagers na yumuko sa host Thailand 70-54. (DMVILLENA)