NAKHON RATCHA-SIMA -- Kung noong Sabado ay bumuhos ang gintong medalya sa palad ng mga Pinoy, naging matumal naman ang dating nito kahapon ng dalawang ginto lang ang kanilang inani sa pagpapatuloy ng 24th Southeast Asian Games dito.
Isinubi ni Benjie Tolentino ang unang gold nang magwagi ito sa lightweight singles scull ng rowing event na ginanap sa Pattaya at ang ikalawang gold naman ay tinumbok ni Rubilen Amit sa women’s 9-ball singles.
Ngunit hindi naging madali para kay Amit ang panalo nang naghabol ito mula sa 5-2 iskor kontra sa Indon cue artist na si Angeline Magdalena Tioalu bago itala ang 7-5 tagumpay sa Sima Thani Hotel.
“She gave me a big scare,” patungkol ni Amit kay Tioalu, na pabortio dito kung pagandahan ang pag-uusapan. Ngunit hindi lamang ganda mayroon ang Indon dahil tunay na ipinakita nito ang kanyang husay sa paghawak ng tako nang iwan niya ang Pinay pool player na biniro ng Thailand na ilaglag ang laban kapalit ng US5,000.
Nakuntento na lamang ang Team Philippines sa 6 na silvers at napakaraming bronze medal kahapon.
Nagkasya sa silver medal sina Triathlete George Vilog at Alessandra Araullo, gayundin ang tambalang Nida Cordova Midelle Gabaligno bukod sa tatlong isinukbit ng Pinay dancers sa dance sports.
Isang malaking pagkadismaya ang bronze medal na pagtatapos ng marathoner na si Eduardo Buenavista, na isa sa inaasahang kukuha ng ginto kahapon.
Bronze lang din ang nakayanan ni marathoner JhoAn Banayag.
Lumalayo na ng husto ang host Thailand na humakot ng 62 ginto, 57 silvers at 36 bronze at malayong sumusunod sa ikalawa ang Vietnam 26-13-37, Singapore 20-16-14 at nasa ikaapat ang Philippines na may 16-22-40.
Sa swimming, hindi rin naging masuwerte ang araw para sa RP tankers ng 2 silvers at isang bronze lamang ang kanilang nilangoy.
Pumangalawa lamang si James Walsh sa nakagold na si Malaysian Danile Bego para sa silver gayundin ang 4x100freestyle na binanderahan ng double gold medalist na si Miguel Molina.
Nagbronze naman si Ryan Arabejo sa 400m freestyle.