Umaasam ang Toyota Balintawak na masusungkit ang ikalawang twice-to-beat incentive sa quarterfinals sa kanilang pakikipaglaban sa napatalsik ng Bacchus Energy Drink sa 2008 PBL V-Go Extreme Energy Drink Cup sa The Arena sa San Juan.
Palagiang nasa Final Four sapul noong 2006 Unity Cup, determinado ang Roadkings na mapalawig ang kanilang winning run sa tatlo sa kanilang pakikipagtipan sa Raiders sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang panalo ng Rey Oben owned Toyota Balintawak ay magbibigay sa kanila ng katulad na insentibo ng mayroon ang San Mig Coffee sa quarterfinals na magsisimula sa Disyembre 8.
Samantala, simula sa Lunes, pahinga muna ang liga bilang pagsuporta sa Philippine men’s basketball team na magdedepensa ng kanilang korona sa 24th SEA Games sa Thailand simula sa susunod na Linggo.
Maliban kay Ateneo hotshot Chris Tiu at dating pro cagers Alex Crisano at Allan Salangsang ang lahat ng 16 man RP cage team ay naglalaro sa liga kaya nagdesisyon ang Board of Governors na pinamumunuan ni chairman Dr. Cecilio Pedro ng Hapee at commissioner Chino Trinidad na i-extend ang playing dates sa huling bahagi ng Disyembre.
Maghaharap naman sa alas-12 ng tanghali ang Harbour Centre at San Mig Coffee, habang sa alas-4 naman ang Mail & More at Pharex. (Mae Balbuena)