Nakakabilib din talaga itong si Air 21 coach Dolreich “Bo” Perasol sa pagmotivate sa kanyang mga manlalaro!
Sino ba’ng mag-aakalang mababalikan pa ng Express ang crowd-favorite Barangay Ginebra sa kanilang salpukan noong Biyernes sa Cuneta Astrodome.
Animo’y kontrolado na ng Gin Kings ang laro at nawawala na ang concentration ng Express dahil sa pag-aakala nilang masama ang tawagan ng mga referees.
Subalit buhat sa 12 puntos na abante ng Gin Kings ay bumangon ang Express at nagwagi pa, 102-95 upang mapatid ang two-game losing skid nila. Bago makaharap ang Gin Kings ay nakalasap ang Express ng dalawang tambakang pagkatalo. Una’y dinurog sila ng Sta. Lucia Realty, 115-80 at pagkatapos ay dinaig sila ng Purefoods Tender Juicy Giants, 100-81.
Bunga ng mga nakakahiyang pagkatalong iyon ay nagkaroon ng bull- session ang Express at inisa-isa nila ang kanilang kamalian. Positive naman ang naging resulta ng bull session na iyon dahil sa hindi hinayaan ni Perasol na tuluyang bumaba ang morale ng kanyang mga manlalaro. Sinabi niya na kalimutan na nila ang nakaraan at magfocus sa kasalukuyan.
Kaya naman sa umpisa ng laro kontra Gin Kings ay maganda ang kanilang performance. Pero dahil sa maraming turnovers at mga tawag ng referees na hindi maintindihan, nawala ang konsentrasyon ng Express. Umabot pa nga ito sa puntong natawagan ng magkasunod na technical fouls sina Ranidel de Ocampo at Ervin Sotto dahil sa pagrereklamo nila sa referees.
Bago pa nga iyon ay ilang flagrant fouls pa ang naisampal sa Express na talagang nag-init na nang tuluyan ang ulo. At kahit si Perasol mismo ay natawagan ng technical foul.
Pero sa huling limang minuto ng laro ay tumawag ng timeout si Perasol at niregroup ang kanyang mga bata. Sa puntong iyon ay sinabi niyang puwede pa silang manalo kung hindi sila mapipikon.
“Sabi ko sa kanila, gusto ninyo ng away pero tambakan naman tayo. Anong silbi ng away kung matatalo din lang tayo? Maglaro na lang kayo ng maayos at talunin natin sila,” ani Perasol.
Maganda ang kanyang pananalita kung kaya’t rumesponde ang kanyang mga manlalaro. Sukat ba namang pinatahimik ng Express ang Gin Kings at nagwagi pa sila para mag-improve sa 3-4 ang kanilang record. Iyon ang tinatawag na never-say-die. Para bang inagaw pa ng Express sa Gin Kings ang distinction na iyon.
Maituturing na malaking morale booster ang panalong iyon para sa Express dahil sa nakaiwas sila sa ikatlong sunod na kabiguan. Kaya naman inaasahang patuloy na makakabawi ang Air 21 at patuloy din silang katatakutan ng ibang teams!